Nagdiriwang ang maraming mamamayan sa Syria kasunod ng pag-alis ni President Bashar al-Assad kahapon, matapos na mapasok ng mga rebeldeng grupo ang Damascus.
Ayon sa news agencies, nasa Moscow, Russia si Assad at ang kanyang pamilya.
Una rito, hinalughog ng mga tao ang magarbong bahay ni Assad matapos na ideklara ng mga rebelde na umalis ng bansa ang presidente, kasabay ng pagtatapos ng limang dekada na pamumuno ng Baath party government.
Bumagsak ang pamumuno ni Assad sa loob ng 11 araw matapos na isagawa ng mga rebelde ang pinaigting na kampanya mahigit 13 taon nang isagawa ni Assad ang crackdown sa anti-government protests na nagpasiklab ng civil war sa Syria.
Kaugnay nito, sinabi ni Abu Mohammed al-Jolani, lider ng Islamist Hayat Tahrir al-Sham group (HTS) na nanguna sa advance ng mga rebelde na ang kanilang tagumpay ay makasaysayan.
Samantala, sinabi ng isang Kremlin source sa Russian news agencies na pinagkalooban ng Russia si Assad at kanyang pamilya ng asylum.
Una rito, sinabi ng Foreign Ministry ng Russia na umalis sa Syria si Assad at nag-iwan ng kautusan para sa payapa na paglipat ng kapangyarihan.