Epektibo na ang taas-presyo ng mga produktong petrolyo simula bukas, Agosto 26, 2025.

Ayon sa mga abiso ng mga kumpanyang Chevron (Caltex), Petron, Seaoil, at Shell, tataas ang presyo ng gasolina ng P0.70 kada litro, diesel ng P0.50 kada litro, at kerosene ng P0.30 kada litro.

Ipatutupad ang mga bagong presyo sa ganap na alas-6:00 ng umaga, maliban sa Cleanfuel na mag-aadjust ng presyo sa ganap na 4:01 ng hapon.

Ayon sa Department of Energy (DOE), inaasahan na ang pagtaas na ito dahil sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado ng langis at trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS).

Noong nakaraang linggo, tumaas din ang presyo ng gasolina ng P0.60, diesel ng P0.80, at kerosene ng P0.90 kada litro.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabuuan, mula Enero hanggang Agosto 12, 2025, umabot na sa netong P10.80 kada litro ang itinaas ng gasolina, P12.75 kada litro sa diesel, at P2.65 kada litro sa kerosene.

Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista at konsyumer na maghanda sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.