Epektibo na ngayong araw, Setyembre 23, 2025.ang taas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Batay sa abiso ng mga oil companies, magpapatupad sila ng dagdag na ₱1.00 kada litro sa gasolina, ₱0.80 sa diesel, at ₱0.80 sa kerosene.
Ayon sa Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), dulot ng mga tensyong geopolitikal ang paggalaw ng presyo, kabilang ang bagong parusa ng US laban sa langis ng Russia, usapan ng European Union hinggil sa ika-19 na sanction package, at mga drone strike ng Ukraine sa mga energy site ng Russia.
Ito na ang ikaanim na sunod na linggong pagtaas sa presyo ng gasolina, at ikalima naman para sa diesel at kerosene.
Noong nakaraang linggo, nagtaas ng ₱0.10 kada litro sa gasolina, ₱0.50 sa diesel, at ₱0.10 sa kerosene ang mga kompanya.
Sa kabuuan, umabot na sa netong dagdag na ₱13.50 kada litro para sa gasolina, ₱15.35 para sa diesel, at ₱3.55 para sa kerosene ang presyo mula Enero hanggang Setyembre 16, 2025.