TUGUEGARAO CITY- Nananatiling covid-19 free ang Tabuk City sa Kalinga sa kabila na may mga Persons Under Investigation at Persons Under Monitoring.
Sinabi ni Jandell Taguiam, health promotions Officer ng City Health Office ng Tabuk City na nakapagtala sila ng 1,240 na PUM kung saan ang 900 dito ay natapos na sila sa kanilang 14-day home quarantine.
Bukod dito, sinabi ni Taguiam na na 30 ang kanilang PUI at ang apat dito ay nagnegatibo sa covid-19 batay sa kanilang swab test result.
Sinabi ni Taguiam na sa ngayon ay hinihintay na nila ang resulta ng swab test ng isang PUI na naka-quarantine ngayon sa Kalinga Provincial Hospital na itinalaga na tatanggap ng mga suspected covid-19 patients.
Kaugnay nito, sinabi ni Taguiam na bagamat bumababa ang mga PUM at PUI at wala pang positive case ng virus sa Tabuk City ay hindi dapat na magpakampante ang mga residente.
Umapela siya sa mga mamamayan ng Tabuk na manatili lamang sa mga tahanan kung wala namang importanteng lakad para mapanatili ang estado ngayon ng lungsod na covid-19 free.