Target na maisailalim sa Aggressive Community Testing (ACT) sa COVID-19 ang nasa 5,000 indibidwal sa Tabuk City na sisimulan sa February 18.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Aurora Amilig, tagapagsalita ng Tabuk City Government, tatlong araw ang isasagawang testing sa walong piling Barangay ng lungsod na nakapagtala ng maraming kaso ng virus.
Batay sa datos, 9 ang bagong nadagdag na kaso sa Tabuk City at nasa 332 ang total active cases kung saan 546 ang nakarekober at 11 ang nasawi.
Kasabay nito umapela si Amilig sa mga residente ng Lungsod na sumunod sa ipinatutupad na health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Dagdag pa niya na nanatiling puno ng mga pasyente ang lahat ng kanilang quarantine facilities ngunit inaasahang matatapos ngayong buwan ang konstruksyon ng 100-bed capacity na pasilidad.
Sa February 15 ay ibababa na sa general community quarantine (GCQ) ang umiiral na quarantine measure sa Tabuk City.