Tugeugarao City- Hiniling ng Pamahalaang Panlungsod ng Tabuk sa Regional Inter-Agency Task Force na isailalim ang lungsod sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa panayam kay Aurora Amilig, tagapagsalita ng LGU Tabuk, inendorso na ng kanilang gobernador ang kahilingan sa RIATF at hinihintay nalamang ang resulta nito.

Sinabi niya na karamihan kasi sa kaso ng COVID-19 sa Kalinga ay mula sa kanilang lungsod kaya’t dapat na makontrol na ang pagtaas nito.

Mula sa nakalipas na dalawang linggo ay nakapagtala aniya sila ng 184 cases at sa huling datos mula kahapon Enero 21 ay nadagdagan pa ito ng 34.

Paliwanag niya, ang pagtaas ng kaso ng virus sa lugar ay dahil na rin sa nakalipas na holidays season at mga lamay.

-- ADVERTISEMENT --

Nais aniya nilang aprubahan ito sa lalong madaling panahon upang makontrol ang pagkalat ng virus, matutukan ang contact tracing at limitahan ang galaw ng publiko.

Sa oras na ipatupad ang ECQ sa lugar, paiigtingin aniya nila ang activation ng mga isolation units ng Brgy. dahil punuan na ang isolation facilities ng syudad.

Ipatutupad din sa lugar ang 9pm-5am na curfew hours, liquor ban, pagkakaroon ng checkpoint areas ng bawat barangay at ipa pang panuntunan sa ilalim ng ECQ.

Sinabi niya na hindi rin muna sila tumatanggap ng mga turistang hindi naman emergency ang pakay at nais lang na mamasyal sa lugar.