Isinailalim na sa state of calamity ang Tabuk City, Kalinga dahil sa matinding pinsalang idinulot ng magkakasunod na bagyong Kristine, Marce, Nica, Ofel, at Pepito sa lungsod.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), pinakamalaking pinsala ay naitala sa imprastruktura na umabot sa PHP 112.9 milyon.
Sumunod dito ang sektor ng agrikultura na may halos PHP 90 milyon na pinsala, habang ang kabuhayan sa livestock at poultry ay nawalan ng halos PHP 1 milyon.
Sinabi pa ng CDRRMO na ang sunod-sunod na bagyo ay nagdulot ng malawakang pagkawasak, kaya’t kinakailangan ang agarang aksyon.
Inatasan ng City Council ang CDRRMC na magsumite ng karagdagang dokumento, kabilang ang mga ulat mula sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA), bilang batayan para sa mas organisadong pagtugon at pagpaplano ng rehabilitasyon.
Patuloy rin na pinapaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko ukol sa mga hakbang pangkaligtasan at recovery efforts habng Nagbibigay ng suportang psychosocial tulad ng counseling sa mga naapektuhan.
Nakikipagtulungan ang pamahalaang lungsod sa mga pambansang ahensya, non-government organizations, at pribadong sektor upang matiyak ang masusing pagtugon sa krisis.