Nadagdagan ng international award sa mahabang listahan ng mga parangal at pagkilala na natanggap ng Tabuk City sa Kalinga matapos na mapabilang sa mga gagawaran ng Southeast Asian Nations (ASEAN) Clean Tourist City Award.
Laking pasasalamat naman ni Arlene Odiem, tourism officer ng Tabuk City dahil isa ang lungsod sa mga mapalad na makakatanggap ng nasabing parangal.
Ayon sa kanya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakatanggap ang Tabuk City ng nasabing award.
Sinabi ni Odiem na nakapasa ang Tabuk City sa pitong criteria na itinakda ng ASEAN Clean Tourist City Standard kabilang environmental management, cleanliness, waste management, awareness-building about environmental protection and cleanliness, green spaces, health safety and urban safety and security, and tourism infrastructure and facilities.
Ang ASEAN Clean Tourist City award ay isang pagkilala na ibinibigay sa member-nations upang hikayatin sila na lalo pang pagandahin ang kalidad ng turismo sa kanilang mga lungsod, palakasin ang market competitiveness, paglikha ng trabaho para sa mga residente at isulong ang paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Odiem, ang nasabing parangal ay patunay sa dedikasyon ng LGU Tabuk na lalo pa itong maipakilala at mapabilang sa ASEAN clean tourist cities sa Pilipinas.
Naniniwala si Odiem na sa pamamagitan nito ay lalo pang lalago ang local tourism ng Tabuk hindi lamang sa bansa kundi maging sa international community dahil mapapasama ang lungsod sa official website ng ASEAN maging sa ASEAN Tourism Forum, festival at iba pang kaugnay na events.
Sinabi ni Odiem na isinagawa ang assessment nitong buwan ng Oktubre ng validation team mula sa Department of Tourism kung saan kabilang sa mga isinailalim sa evaluation ang ilang public facilities at tourist areas.
Isasagawa ang pagkakaloob sa nasabing award sa Enero 26 sa Vientiane, Laos.