Huli sa aktong pagbebenta ng marijuana ang isang lalaking umano’y nangangasiwa ng drug den kabilang na ang limang mga estudyante matapos na maglunsad ng buy bust operation ang mga otoridad sa bahay nito sa Brgy. San Antonio, Aparri, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Alyas Dan, 26 anyos, painter at artist na residente sa nasabing lugar habang hindi na pinangalanan ng pulisya ang mga estudyante.

Sinabi ni PMAJ Gil Pagulayan, hepe ng PNP Aparri, matagal na minanmanan ng mga operatiba ang iligal na gawain ng suspek matapos na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan ng mga concerned citizen ang iligal na pagbebenta nito ng marijuana.

Nakuha mula sa kanya ang pinatuyong dahon ng marijuana na may fruiting tops at nagkakahalaga ng P120k at maging ang mga ginamit na drug paraphernalia.

Sinabi ni Pagulayan na nang isailalim ang mga suspek sa drug test ay nagpositibo sila sa paggamit ng droga.

-- ADVERTISEMENT --

Batay pa sa nakuhang cellphone ng mga suspek ay nabasa dito ang kanilang pakikipag transaction kaugnay pa rin sa pagbebenta at paggamit ng marijuana.

Saad niya na hindi muna nila papangalanan ang mga nasabing suspek dahil sa ngayon ay nagsasagawa na rin sila ng follow up investigation at operation para mahuli ang pinangalanan nilang mga kasamahan.

Sa ngayon ay nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehenssive Dangerous Drugs Act of 2002.