Isinusulong ng toxic watchdog na BAN Toxics ang tamang pagtatapon ng mga nasirang bumbilya na may mercury na mapanganib sa kapaligiran at kalusugan.
Sa pagiikot ng grupo sa iba’t ibang lugar sa bansa kaugnay sa panawagan nito sa responsableng pagtatapon ng toxic at medical wastes ay nadiskubre nila ang nakatambak na mga busted fluorescent lamp na nasa Materials Recovery Facilities (MRF) ng mga barangay na kanilang napuntahan.
Ayon kay BAN Toxics Campaigner Thony Dizon, kapag nabasag ang fluorescent lamp dahil sa maling pagtatapon ay sisingaw ang mercury vapor nito na syang magkokontamina sa hangin at kapaligiran.
Ang paglanghap ng mercury din daw ay magdudulot ng masamang epekto sa katawan ng tao.
Bukod sa bumbilya, may mercury content rin na nakukuha mula sa mga electronic waste, medical devise, at iba pa.
Dahil dito inirerekomenda ng grupo sa Department of Energy at Department of Environment and Natural Resources na dagdagan ang treatment, storage, and disposal (TSD) facility sa bansa kung saan dito legal na binabaklas at pinoproseso ang mga basurang ito.
Dapat rin aniyang pairalin ng mga local government unit ang collection program sa mga household hazardous waste.