
Problema sa pera ang posibleng nag-udyok sa tangkang pagpapakamatay ng isang regional manager ng isang pribadong establisyimento sa Tuguegarao City na nagresulta sa pananaksak at ikinasugat ng dalawang empleyado.
Kinilala ang suspek na si alyas “Bong”, 40-anyos at residente sa lungsod habang ang nga biktima ay isang collector at cashier.
Ayon kay P/Capt Melody Balesteros ng PNP-Tuguegarao, pumasok ang suspek sa kanilang branch sa Brgy Balzain para gumamit ng banyo ngunit biglang umatake sa dalawang biktima gamit ang kitchen knife na nasa loob ng establisyimento.
Inamin ng suspek na may malaki siyang problema sa pera na nagdulot ng depresyon at nagtulak sa kanya na tangkang magpakamatay habang nadamay lamang ang mga biktima sa kanyang kalagayan.
Kapwa nagtamo ang dalawang biktima ng tig-isang saksak sa likod at kamay na kasalukuyan ng nagpapagaling sa pagamutan.
Sa ngayon, wala pang pormal na kasong isinasampa laban sa suspek at hinihintay pang makalabas sa ospital ang mga biktima upang mapagdesisyunan kung magsasampa ng pormal na reklamo.




