
Posibleng hindi pa rin maabot ng Pilipinas ang target na 5 hanggang 6 porsiyentong GDP growth sa 2026, ayon sa isang ekonomista, bagama’t inaasahang babawi ang ekonomiya matapos ang mas mahina kaysa inaasahang paglago noong 2025.
Ayon kay Azril Rosli, ekonomista ng Maybank, inaasahang lalago ang ekonomiya ng bansa ng 4.9 porsiyento sa 2026, bahagyang mas mababa sa binabang target ng pamahalaan.
Gayunman, mas mataas pa rin ito kumpara sa kanyang tinatayang 4.8 porsiyentong paglago noong 2025.
Ilan sa mga salik na binanggit ni Rosli na maaaring makaapekto sa paglago ay ang global geopolitical risks, posibleng pagbagal ng ekonomiya ng Estados Unidos, lokal na political instability, at mga bagyo at iba pang kalamidad.
Tinukoy rin niya na isa sa pinakamalaking dahilan ng paghina ng ekonomiya noong nakaraang taon ay ang kontrobersiya sa flood control projects.
Ayon sa kanya, maaaring makatulong upang maabot ang target ng gobyerno ang pagsasabatas at pagpapatupad ng mga reporma.
Sumang-ayon naman si Kevin Sisayan, Head of Equity Research ng Maybank Securities Philippines, na kabilang ang flood control scandal sa mga pangunahing dahilan ng mahinang performance ng equity market.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Sisayan na sa nakalipas na 20 taon, palaging bumabawi ang ekonomiya ng bansa matapos ang malalaking isyu ng katiwalian, gaya ng PDAF scam at NBN-ZTE controversy.
Hindi rin anila puro negatibo ang outlook, dahil ang 4.9 porsiyentong paglago ay nananatiling mataas kumpara sa ibang bansa.
Patuloy umanong bumababa ang inflation, matatag ang labor market, at may paglago pa rin sa remittances ng OFWs at sa business process outsourcing (BPO) sector.
Sinabi rin ni Rosli na maaaring makatulong sa ekonomiya ang pagiging host ng Pilipinas sa ASEAN Summit sa 2026.
Gayunman, iginiit ng mga analyst na maaari pang magbago ang outlook kung tutugunan ng gobyerno ang ipinangakong mga reporma ngayong taon.










