Bigong maabot ng Department of Health (DOH) ang target na 95% na immunization rate o pagbabakuna sa mga bata sa lambak ng Cagayan.
Batay sa datos noong 2018, sinabi ni Joyce Maquera, immunization program coordinator ng DOH-RO2, nakapagtala lamang ang ahensiya ng 62% immunization sa rehiyon, na kulang upang matiyak na ligtas ang mga bata sa ibat-ibang uri ng sakit.
Aniya, isa sa mga nakikitang dahilan sa mababang bilang ng mga nagpapabakuna ay dahil sa takot ng ilang mga magulang sa dengvaxia scare.
Kaugnay nito, hinimok ng DOH ang mga Local Government Units na tumulong sa kampanya ng ahensya upang mapalakas ang routine immunization na may layong mabalikan ang mga batang bigong bakunahan ng mga “vaccine preventable diseases” tulad ng polio.
Sa datos, sinabi ni Maquera na maraming mga batang 5 years old pababa ang hindi nabakunahan ng polio noong nakaraang taon kung kaya hinihintay na lamang nila ang abiso sa central office para sa mass immunization.
Gayonman, nilinaw ni Maquera na walang dapat pangambahan sa kaso ng polio sa rehiyon subalit kailangan na maging fully immuned o kumpleto sa bakuna ang isang bata.