
Tinuligsa ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela ang umano’y mga “Pinoy troll” na aniya’y nagpapalaganap ng Chinese narrative kasunod ng kanyang social media post kaugnay ng mga lider ng China.
Ayon kay Tarriela, may ilang Filipino influencers at tagasuporta ng ilang pulitiko na ginagamit umano bilang “puppets” upang pahinain ang transparency efforts ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Dagdag niya, maaaring bayaran ang ilan sa mga account o kaya’y mga dayuhan ang nasa likod nito.
Nauna nang kinondena ng Chinese Embassy sa Maynila ang post ni Tarriela, na inakusahan siyang naninira sa mga lider ng China. Gayunman, iginiit ng PCG official na wala siyang dapat ipagpaumanhin at tinawag na “overreaction” ang hakbang ng embahada.
Samantala, kinondena rin ni Senador Erwin Tulfo ang pahayag ng Chinese Embassy at iginiit na dapat igalang nito ang Konstitusyon, kalayaan sa pamamahayag, at soberanya ng Pilipinas.
Muling binigyang-diin na nanalo ang Pilipinas sa 2016 arbitral ruling sa South China Sea, na patuloy namang hindi kinikilala ng China.










