
Wala dapat ihingi ng sorry si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela kaugnay ng mga post nito sa social media.
Kasunod ‘yan ng pagtutol niya sa umano’y agresyon ng China sa mga pinag-aagawang dagat, matapos maghain ang Beijing ng diplomatic protest laban sa kaniya dahil sa mga post niya,
Sa isang pulong balitaan noong Sabado, sinabi ni Tarriel na wala umanong awtoridad ang Chinese Embassy upang obligahin siyang magpaliwanag o humingi ng paumanhin.
Matatandaang pinuna ng Chinese Embassy sa Maynila ang PCG official dahil sa pag-post umano nito ng mga imahe sa social media na, ayon sa Beijing, ay “attacking and smearing Chinese leaders.”
Ayon sa pahayag ng embahada, ang naturang mga post ay isang “serious violation of China’s political dignity and a blatant political provocation,” at sinabing lumampas umano ito sa tinatawag nilang “red line.”
Dahil dito, sinabi ng Chinese Embassy na naghain ito ng diplomatic protest sa Malacañang Palace, Department of Foreign Affairs (DFA), at Philippine Coast Guard.
Kaugnay nito, iginiit ni Tarriela na ang isyu ng diplomatic protest ay saklaw ng DFA at hindi ng PCG.
Nauna na ring iginiit ng PCG spokesperson na ang kaniyang mga post ay hindi paninira o paninirang-puri, kundi paglalahad ng mga makatotohanang pangyayari na sinusuportahan umano ng video footage, mga litrato, opisyal na ulat ng PCG, at obserbasyon ng mga third party.
Dagdag pa niya, kung tinututulan ng Chinese Embassy ang mga larawang naglalahad ng mga paglabag—maging sa anyo ng lehitimong diskurso, ito umano ay nagpapakita lamang ng hindi komportableng pagtanggap sa katotohanan.
Noong Huwebes, tumugon din si Tarriela sa isang social media post ng deputy spokesperson ng Chinese Embassy sa Maynila na si Guo Wei, matapos siyang akusahan ng pagbibigay ng maling pahayag kaugnay ng isyu sa pinag-aagawang karagatan.










