Nagsimula na ang mga linemen na binubuo ng Task Force Kapatid sa kanilang restoration efforts sa Batanes Electric Cooperative (BATANELCO) na malubhang tinamaan ng bagyong Julian.
Ayon kay Engr. Rudolf Adviento, general manager ng Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO II), ang taskforce ay binubuo ng 17 linemen at dalawang engineer mula sa National Electrification Administration (NEA) ang idineploy sa Batanes para tulungan ang BATANELCO sa pagpapanumbalik sa suplay ng kuryente.
Ang mga linemen ay ipinadala ng North East Luzon Electric Cooperative Inc. mula sa ibat-ibang electric cooperative sa Region 2 na kinabibilangan ng Cagelco 1 at 2, Iselco 1 at 2, Novelco at Quirelco.
Sinabi ni Adviento na sa buong lalawigan ng Batanes ay kaunti pa lamang ang naibabalik na supply ng kuryente matapos itong mawala dahil sa mga nasirang poste dahil sa pananalasa ng bagyo.
Ang karagdagang manpower ay tutulong sa rehabilitation efforts at may dala na rin silang mga gamit sa pagkukumpuni sa mainland Basco at Mahatao habang may ibang grupo rin sa island municipality ng Itbayat at Sabtang.
Batay sa datos, umakyat na sa mahigit P19 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala sa mga nasirang pasilidad ng BATANELCO.