TUGUEGARAO CITY-Mahigpit ang ginagawang monitoring sa mga lugar na madalas bahain dahil sa tuloy-tuloy na nararanasang pag-ulan sa Cagayan.

Ayon kay Rueli Rapsing, head ng Task Force Lingkod Cagayan, nakaantaybay na ang kanilang grupo katuwang ang mga barangay officials sa mga mababang lugar para kaagad na magsagawa ng evacuation kung kinakailangan.

Maging ang mga lugar na madalas na makapagtala ng pagguho ng lupa tulad sa bayan ng Baggao , Gattaran, Piat at Rizal ay kasalukuyan din minomonitor.

Aniya, posibleng lumambot ang lupa dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan kaya kailangan itong bantayan para matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan.

Sa ngayon, sinabi ni Rapsing maayos pa rin ang kalagayan ng lahat ng bayan sa probinsya at wala ring naitatalang pag-apaw ng tubig sa mga overflow bridges sa probinsya.

-- ADVERTISEMENT --