Tuguegarao City- Nakaalerto ang Task Force Lingkod Cagayan upang bantayan ang mga pumapasok na karne ng baboy sa lalawigan kaugnay sa banta ng African Swine Fever(ASF).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Gov. Manuel Mamba, mahirap kontrolin ang pagkalat ng kaso ng ASF kaya’t dapat na magtulungan at maging alerto upang makagawa ng paraan na makaiwas dito.

Bagamat inaasahan ang paglaganap ng ASF sa mga alagang hayop ay dapat lamang na huwag maging kampante kaya’t hinihikayat nito ang mga Local Government Units (LGU) na tumulong sa ginagawang monitoring.

Inihayag pa ng gobernador na maaari itong maging long-term problem na posibleng magbubunsod ng kakulangan sa supply ng karne sa rehiyon.

Naniniwala pa si Gov. Mamba na ang mga frozen products na ibinebenta sa merkado ay maaaring apektado na rin ng ASF.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito ay hindi aniya lahat ng sasakyang bumabyahe papasok ng lalawigan ay nasusuri ang mga karga dahil random checking lang ang ginagawa sa mga check point na isang dahilan na mahirap kontrolin ang pagpasok ng produkto sa Cagayan.

Tugon ito ni Mamba sa napaulat na suspected ASF sa Solana.