Nakaalerto ngayon ang Task Force Lingkod Cagayan sa kanilang monitoring sa pagtaas ng lebel ng mga kailugan sa probinsya dahil sa nararanasang mga pag-ulan sa hapon.
Kaugnay nito ay inihayag din ni TLFC Head Rueli Rapsing na naglabas din ng flood protection advise ang pamunuan ng Magat Dam kaugnay sa planong pagbubukas ng gate upang mapanatili water level ng dam kahit na may mga pag-ulang mararanasan sa mga watershed areas nito.
Nilinaw ni Rapsing na ito ay paabiso pa lamang at walang dapat na ikabahala ang mga residente sa Cagayan dahil sa ngayon ay wala pa namang paggalaw sa lebel ng tubig sa kailugan.
Ngunit, binigyang diin nito na dapat na manatili pa ring maging handa at alerto upang anumang oras na may dumating na sakuna ay nakahanda pa ang lahat.
Paliwanag nito, kung sakaling may tatlong gate ng magat dam ang bubuksan ay aabot ng anim na oras bago ito makarating sa Cagayan at magbubunsod naman ito sa pagtaas ng buntun bridge water level ng hanggang anim na metro at hindi na rin maaaring madaanan ang pinacanauan bride at aapaw na rin ang tubig sa Annabuculan Overflow bridge sa Amulung.
Bukod dito, patuloy namang pinag-iingat ang lahat ng mga residente na madalas makaranas ng pagguho ng lupa at pagbaha sa bahagi ng Claveria, Sta Praxedes, Sto NiƱo, Penablanca at iba pa dahil isa rin sa maaaring makaapekto dito ang tubig na bumababa mula sa Siera Madre mountain at sa Apayao.
Gayonman, sa monitoring ng TLFC ay sinabi ni Rapsing na wala pa naman sa mga MDRRMO sa probinsya ang nagreport na naapektohan na sila ng pagbaha at pagguho ng lupa.