Nakapwesto na ang lahat ng istasyon ng Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) sa lower Cagayan, mula Gonzaga hanggang Sta. Praxedes, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Leon.

Ayon kay Arnold Azucena, head ng TFLC, mas tinututukan ngayon ang mga lugar sa downstream dahil sa patuloy na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha sa mga dati nang naapektuhan ng bagyong Kristine.

Kasama umano ng TFLC ang mga partner at responders mula sa PNP, Philippine Army, Philippine Marines, Bureau of Fire Protection, at mga Local Government Units upang tumulong sa posibleng paglilikas ng mga residente mula sa mga low-lying areas na muling nalalagay sa panganib.

Ayon sa mga ulat mula sa mga lokal na pamahalaan at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), may mga residente ng nakauwi na sa kanilang mga tahanan, ngunit nagbalik muli sa mga evacuation centers dahil sa malakas na hangin at tuloy-tuloy na pag-ulan.

Bukod dito ay bumuo rin ang TFLC ng incident management team sa Bangag, Lallo, upang gumawa ng plano para sa mga coastal areas at mga barangay na nangangailangan ng tulong.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t tumaas aniya ng bahagya ang lebel ng tubig sa Buntun Bridge, ito ay nananatili paring nasa normal na antas.

Kaugnay nito ay nagpaalala naman si Azucena sa publiko na maging maingat at huwag maging pasaway tuwing may bagyo upang makaiwas sa anumang disgrasya.

Samantala, patuloy naman ang pagtulong ng TFLC sa ginagawang search and retrieval operations sa isang kababayan na naiulat na nawawala noon pang nagdaang bagyong kristine sa bayan ng Iguig, Cagayan.