Inihayag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na irerekomenda nila ang pagsasampa ng kaso laban sa tatlo pang senador kaugnay sa kanilang pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects.

Una rito, inirekomenda ng ICI ang paghahain ng criminal at administrative charges laban kina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, nagbitiw na congressman na si Zaldy Co, Commission on Audit Commissioner Mario Lipana, dating congressman Mitch Cajayon-Uy, at dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo.

Sinabi ni ICI Chairman Andres Reyes Jr. na isiniwalat ng mga testigo sa commission ang parehong mga detalye na inilabas sa mga pagdinig sa Kongreso.

Ayon sa kanya, ang mga pondo para sa flood control programs ay isiningit umano sa pagbalangkas ng National Expenditure Program o sa bicameral conference meetings at ang mga proponents ay tumanggap ng pay-offs na 20 hanggang 30 percent sa mga proyekto.

Idinagdag pa niya na kinumpirma ng ICI na ilang government contractors ang nagkaroon ng advanced payments para matiyak na ang mga proyekto ay maibibigay sa kanila.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, tumanggi muna si Reyes na kilalanin ang mga nasabing senador.