TUGUEGARAO CITY- Patay ang tatlong katao matapos na bumangga sa poste ng kuryente ang sinakyan nilang Mitsubishi Estrada sa Balzain East, Tuguegarao City kagabi.

Kinilala ni PLT. Franklin Cafirma ng PNP Tuguegarao ang mga namatay na sina Fidel Baldos ng Flora, Apayao, Alvin Dela Cruz ng Sto. Niño, Cagayan at Patrick Desuasido, tubong Bicol Region.

Sugatan naman sina Rowel Bambilla ng Lasam, Cagayan, driver at Kenneth Maggay ng Tuguegarao.

Sinabi ni Cafirma na sa kanilang paunang imbestigasyon, bigla umanong nakabig ng driver ang manebela ng sasakyan hanggang sa bumangga ito sa poste ng kuryente.

Sa lakas ng impact ay natumba ang poste na dumagan naman sa dalawang kotse na nakaparada sa gilid ng daan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Cafirma na nasa impluensiya umano ng alak ang driver ng sasakyan.

Ayon sa kanya, kukuha sila ng karagdang impormasyon sa dalawang survivor ng aksidente na ngayon ay nasa ospital.