Nasa ilalim ng government protection ang tatlo sa apat na testigo sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hiniling ng ICC sa pamahalaan na magbigay ng proteksyon sa mga testigo.
Ayon sa kanya, habang nasa Pilipinas ang mga testigo, poprotektahan nila ang mga ito.
Sinabi pa niya na posibleng madagdagan pa ang ilalagay sa witness protection.
Samantala, sinabi ni Remulla na ang pakikipag-ugnayan nila sa tribunal ay hindi salungat sa paninindigan ng pamahalaan na hindi na miyembro ng ICC ang bansa.
Kumalas ang bansa mula sa Rome Statute, na nagtatag ng ICC, noong March 2019 sa Duterte administration.
Buhat noon, pinanatili ng mga opisyal ng bansa ang paninindigan na walang huridsikyon ang ICC sa bansa.
Kasunod ng pag-aresto at paglipat kay Duterte sa ICC noong buwan ng Marso, sinabi ng Malacañang na maaaring imbestigahan ng ICC ang mga krimen na umano’y nagawa niya bago pa man kumalas ang bansa sa Rome Statute.
Sinabi ni Remulla na pinili nila na huwag nang ituloy ang kaso at hayaan na lamang ang ICC na gagawa nito.