TUGUEGARAO CITY-Ginagamot pa sa ospital ang tatlong menor de edad na pawang mga estudyante na nasangkot sa rambolan sa isang food court sa lungsod ng Tuguegarao kahapon ng hapon.
Sinabi ni PLT Rosemarie Taguiam ng PNP Tuguegarao na sa kanilang imbestigasyon, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang grupo ng mga estudyante matapos na masagi ng isa sa mga ito ang isang miembro ng kabilang grupo.
Ayon kay Taguiam, naglabas ng patalim ang isa sa mga sangkot sa kaguluhan nang siya ay kuyugin ng kabilang grupo.
Nagtamo ng saksak sa tagiliran at likod ang mga nasaksak ng biktima na agad na dinala sa pagamutan.
Sinabi ni Taguiam na sa ngayon ay pinaghahanap na nila ang suspect matapos na magtago at ayon sa kanyang pamilya ay hindi na siya nakatira sa kanilang bahay.
Idinagdag pa ni Taguaim na may nagdala sa PNP station sa patalim na ginamit ng suspect sa pananaksak.
Nabatid na ang edad ng mga sangkot sa rambolan ay 15, 16, at 17 at sila ay mula sa iba’t-ibang paaralan.