Tuguegarao City- Ipinapatupad ang Semi lockdown sa Barangay Linao West dito sa lungsod matapos makapagtala ng tatlong kaso ng COVID-19.
Sa panayam kay Jerry Quilang, Brgy. Chairman ng naturang barangay, isinara nila ang mga entry and exit point ng buong barangay hindi lamang sa mga zone na unang isinailalim sa zonal containment stategy.
Aniya, ito ay upang mapigilan pa rin ang pagkalat ng virus sa lugar.
Sa ngayon ay kasalukuyan pa rin umano ang contact tracing para sa mga posibleng nakasalamuha ng mga pasyente sa kanilang lugar.
Sinabi ni Quilang na ang pasyenteng unang tinamaan ng virus ay nasa severe condition at nasa pangangalaga ng CVMC habang ang dalawa ay nasa mga nakatalagang quarantine facilities.
Nakatakda rin aniyang isailalim sa swab test ang mga residenteng naksalamuhha ng mga ito.
Ayon pa kay Quilang, rotation ang schedule ng mga opisyal ng barangay sa pagduty upang mamonitor ang galaw ng kanilang mga ka barangay.
Umapela siya sa kanyang mga residente ng pang-unawa, kooperasyon at pagsunod sa mga ipinatutupad na panuntunan upang maiwasan ang paglala ng kaso ng local transmission sa kanilang barangay.
Samantala, simula ngayong araw (September 17) ay isasailalim naman sa zonal containment ang PiƱa St. hanggang Mango St. ng Brgy. Pengue Ruyu.
Sinabi ni Efren Mabuhay, punong barangay, na ito ay matapos magpositibo rin sa sakit ang isang 19 anyos na pasyente sa lugar.
Binigyan na aniya nito ng direktiba ang mga residente sa lugar na maghanda at mamili ng pangunahing pangangailangan dahil isasara ang naturang bahagi ng barangay ng hanggang Sept. 27 ngayong taon.
Tiniyak ni Mabuhay ang mahigpit na pagbabantay ng mga opisyal at maging ang pagpapatupad ng mga precautionary protocol upang makaiwas sa pagkalat ng virus.