Isinusulong ni Kamanggagawa Partylist Representative Eli San Fernando ang panukalang batas na layong magpatupad ng tatlong buwang national tax holiday para sa lahat ng manggagawang Pilipino.

Layon ng House Bill 6205 na magbigay ng direktang ginhawa sa mga manggagawa habang tinutugunan ang galit ng publiko sa nangyayaring korapsyon partikular sa flood control at infrastructure funds.

Sa ilalim ng panukala, matatanggap ng mga kawani ang buong sahod nang walang kaltas na buwis.

Doble-doble na aniya ang pasaning dala ng mga ordinaryong manggagawa kaya ang tax holiday ay direktang benepisyo na hindi dadaan sa mga programang madaling maimpluwensiyahan ng pulitika.

Pero nilinaw ni San Fernando na hindi nito pinapalitan ang mas malalim na repormang kailangan sa pananalapi, procurement at anti-corruption measures kundi “breathing room” lang sa mga manggagawa.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, aatasan ng panukalang batas ang Department of Finance at Bureau of Internal Revenue na magsumite ng full transparency report sa loob ng animnapung araw ng implementasyon kung saan idedetalye ang nawalang kita pati na ang bilang ng mga nakinabang sa tax holiday.

Igagawad ang tax holiday sa mga manggagawa isang beses kada taxable year.

Giit pa ni San Fernando, ang hakbang ay bilang tugon ng gobyerno na naririnig nito ang mamamayan at hindi dapat sila ang magbayad sa kasalanan ng mga tiwaling pulitiko.