TUGUEGARAO CITY-Panalo ang tatlong dating anchorman/reporter ng Bombo Radyo sa bayan ng Baggao, Cagayan sa katatapos na halalan.
Kagabi ay matagumpay na naiproklama sina Vice Mayor Rowel Gazmen, Sangguniang Bayan members Jomar Miguel at Ed Delos Santos.
Ayon kay Vice Mayor Gazmen, ikinagulat umano niya ang pagkaluklok sakanya ng publiko bilang bise alkalde dahil mga kilala pagdating sa pulitiko ang kanyang mga naging katunggali.
Nangako naman si Gazmen sa mga Baggaoenos na kanyang itutuloy ang malinis at tapat na serbisyo para sa ikakaunlad ng nasabaing bayan.
Ipinagmalaki naman ni number one Sanguniang Bayan Jomar Miguel ang nakuha nitong boto na umaabot sa 16,387 ,na ni-isa umano sa mga ito ay wala siyang binili.
Aniya, isa umano itong pagpapakita na hindi kailangang bilhin ang boto para lang mailuklok sa pwesto.
Kaugnay nito,nagpasalamat si Miguel sa mga Baggaoenos sa tiwalang ibinigay at nangako rin na hindi niya bibiguin ang mga residente sa pagbibigay ng serbisyo.
Samantala, naging hamon naman kay Sangunian Bayan member Edmundo Delos Santos ang kakulangan ng pondo para sa kanyang pangangampanya.
Gayunpaman, sinabi ni Delos Santos na hindi ito rason upang hindi ipagpatuloy ang laban para sa hinahangad na pagbabago sa bayan ng Baggao.