Tatlong PUV drivers ang nagpositibo sa isinagawang surprise drug test na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 2 sa ilalim ng programa ng Land Transportation Office Region 2 na ‘Oplan Balik Eskwela’.
Sinabi ni Bing Dela Cruz ng PDEA na isinagawa ang aktibidad sa mga terminal ng public utility vehicles kung saan 100 na driver ang isinailalim sa drug test.
Ayon kay Dela Cruz, suspendido ng anim na buwan ang drivers license ng tatlo na nagpostibo.
Sinabi niya na kailangan na sumailalim ang mga ito sa community rehabilitation kung saan ang tutukoy sa gagawing intervention sa kanila ay ang kinabibilangan nilang lokal na pamahalaan.
Ipinaliwanag niya na maaaring isailalim sila sa out patient rehabilitation kung moderate ang kanilang dependency at in-house rehabilitation naman kung severe ang kanilang dependency sa iligal na droga.
Ayon sa kanya, kung matatapos nila ang kanilang rehabilitasyon ay maaari nilang mabawi ang kanilang mga lisensiya.