TUGUEGARAO CITY – Paiimbestigahan umano ni Mayor Joan Dunuan ng Baggao,Cagayan ang mga pangalan na sinabi ng tatlong forest rangers na nakulong sa kagubatan ng Brngy.Sta. Margarita matapos silang paputukan ng mga umano’y illegal loggers.
Sinabi ni Dunuan na ang mga binanggit na pangalan ay may konekskion umano sa Community Environment and Natural Resources Office o CENRO Alcala,Cagayan.
Sinabi ni Dunuan na pumunta sa kabundukan ang mga forest rangers para magsagawa ng monitoring laban sa illegal logging nang sila ay paputukan.
Tumakbo ang mga ito at nagtago hanggang sa ma-rescue sila ng mga pulis at marines kagabi.
Idinagdag pa ni Dunuan may nakita umano na maraming pinutol na punongkahoy at may mga narinig na mga chainsaw.
Napatunayan din umano ito ng mga nagsagawa ng rescue sa mga forest rangers dahil na tumambad sa kanila na mga pinutol na punongkahoy.
Sinabi ni Dunuan na nakikipag-ugnayan na siya sa mga kinauukulan kung ano ang dapat gawin dito.
Nabatid pa mula kay Dunuan na dinagdagan niya ang forest rangers sa kanilang lugar na ngayon ay may bilang nang 13 upang mabantayan ang kabundukan ng Baggao mula sa mga illegal loggers.
Sinabi niya na ito ay bahagi ng kanyang kampanya na makapagtanim ng isang bilyong punongkahoy sa Baggao dahil sa wala na umanong green forest sa halip ay brown forest na bunga na rin ng walang habas na pamumutol ng punongkahoy.