Nakakuha na ng tatlong gintong medalya, walong silver at apat na bronze medal ang delegado ng Region 2 na nasa ika-labing isang pwesto sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa sa Cebu City.
Ayon kay Ferdinand Narciso, Regional Sports Officer ng DepEd Region 2 na unang nasungkit ng rehiyon ang ginto sa Dance Sports na isinali na bilang regular sport sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Palaro.
Ang karagdagang dalawang ginto ay sa athletics 200 meter-run at swimming.
Dagdag pa ni Narciso, nasungkit rin ng rehiyon ang gintong medalya sa Para Games Boys sa Shotput na hindi kasali sa medal tally standing at isa pang ginto sa Javelin throw mula sa manlalaro ng Cagayan Valley subalit nasa koponan ng National Capital Region.
Sa ngayon ay pasok na rin sa quarter finals ang iba pang laro ng rehiyon dos sa Billiard Girls, softball elementary girls at sepak takraw.
Samantala, nasa maayos nang kondisyon ang mga opisyal at mga atleta ng rehiyon na unang nakaranas ng lagnat.