Siniguro ni Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa publiko na hindi maibebenta ang tatlong aircraft na iniuugnay kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co kahit pa nailabas na ang mga ito sa bansa.

Si Co, kasama ang maraming mga opisyal, kasalukuyan at dating mga mambabatas ang isinasangkot sa mga maanomalyang flood control projects.

Una rito, kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (Caap) na wala na sa bansa ang tatlong air assets ni Co.

Ayon sa Caap ang dalawang AgustaWestland helicopters ay kasalukuyang nasa Kota Kinabalu, Malaysia, na lumipad noong August 20 at September 11.

Habang ang Gulfstream aircraft ay nasa Singapore buhat noong August 16.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Dizon na hindi maaaring maibenta ang mga nasabing aircraft dahil sa hindi pwedeng ipatanggal ang registration ng mga ito sa Caap.

Ayon kay Dizon, tinangka ng mga kumpanya na may kaugnayan kay Co na ipa-deregister ang tatlong helicopters mula sa Pilipinas para maibenta, subalit nabigo ang mga ito.

Ang deregistration ay ang pagtanggal ng item mula sa official registry.

Kasabay nito, sinabi ni Dizon na lahat ng air assets ni Co ay subject ng forfeiture cases na planong ihain ng pamahalaan.