Iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Palawan ang misteryosong itim na sigarilyo na tinatawag nilang “tuklaw” na nagbunsod ng pangingisay ng tatlong kalalakihan kabilang ang dalawang menor de edad kamakailan sa New Buncag, Mandaragat, Puerto Princesa City.
Ayon sa mga testigo, nagsuka at hindi mapigil ng mga ito ang panginginig at pagbalanse sa kanilang katawan.
Nangyari ang insidente noong July 19 ng gabi.
Natagpuan ng mga residente na nangingisay ang tatlong lalaki sa tabi ng kalsada.
Natumba pa ang isang motorsiklo nang masipa ng isa sa mga lalaki habang tila hindi ma-kontrol ang kanyang mga galaw.
Ang dalawa naman niyang kasama, nakahandusay na parang walang malay.
Dinala ang tatlo sa ospital.
Ayon sa dalawa sa mga nangisay na pawang mga menor de edad, nagsimula nilang naramdaman ang hindi ma-kontrol na panginginig ng katawan nang hithitin nila ang sinabi nilang kulay-itim na sigarilyo.
Boluntaryo naman na nagpakuha ng specimen ang mga biktima para matukoy kung ano ang nangyari sa kanila.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), base sa nakalap nilang impormasyon, ang sinasabing “black cigarette” ay karaniwang galing sa Vietnam at may mataas na nicotine content.
Nagdulot ang insidente ng pagkabahala samga residente, lalo na at ang dalawa sa mga biktima ay menor de edad.
Inaalam na ng mga imbestigador ang pagtukoy sa pinanggalingan ng misteryosong sigarilyo upang maiwasan na maulit ang insidente.
Pinayuhan din ang mga magulang at ang mga pamayanan sa Palawan na maging alerto at gabayan ang mga mamamayan na umiwas sa mga hindi kilala o kahinahinala na substance na posibleng makakasama sa kanilang kalusugan.