Inaresto ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Aritao Municipal Police ang tatlong indibidwal dahil sa pagbebenta ng hindi rehistradong fertilizers at agricultural growth hormones.

Kinilala ang mga suspek na sina ‘Jemuel’, 34 anyos; ‘Aiza’, 36 anyos at ‘Fernando’, 45 anyos na mga residente ng Guimba, Nueva Ecija.

Nakuha ng mga awtoridad ang tinatayang nasa P475,000 na halaga ng mga hindi rehistradong fertilizers at growth enhancers sa ginanap na operasyon.

Kabilang sa mga kumpiskadong produkto ay 40 bote ng 250ml Morbunga vitamin fertilizer, 80 bote ng 250ml Kill, 24 bote ng 500ml Berde Super Growth Hormones, at 80 bote ng 250ml Long Death.

Binigyang-diin ni FPA Executive Director Glenn Estrada ang kahalagahan ng operasyon dahil hindi nakarehistro sa FPA ang mga kontrabando at nangangahulugang hindi otorisado para sa distribusyon.

-- ADVERTISEMENT --

Pinuri ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang ipinatupad na hakbang at binigyang-diin ang panganib na maaring idulot ng mga nabanggit na mga produkto.