Nagbabala ang Fertilizer and Pesticide Authority Region 2 laban sa mga nagbebenta ng mga abono at pesticides na hindi rehistrado sa tanggapan.

Ginawa ni Leo Bangad, manager ng FPA Region 2 ang babala kasunod nang pagkakahuli sa tatlong katao na nagbebenta ng mga hindi rehistradong mga abono sa Barangay Centro 2, Enrile, Cagayan sa tulong ng Criminal Investigation ang Detection Group (CIDG) Cagayan, Enrile Police Station at iba pang law enforcement unit.

Sinabi ni Bangad na nakumpiska sa mga suspek ang maraming kahon na naglalaman ng Grow-E All-in-One bio-organic fertilizer.

Ayon kay Bangad, nagkakahalaga ang mga nasabing abono ng P135,000 hanggang P140,000 at kung kasama ang kinumpiska rin na sasakyan na pick-up, aabot ang halaga ng mga ito sa mahigit P1.5 million.

Sinabi pa ni Bangad na galing ng Muñoz, Nueva Ecija ang mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, una nilang na-monitor ang mga ito na nagbebenta ng nasabing abono sa bayan ng Alcala, hanggang sa sinubaybayan ang mga ito.

Isang operatiba ang nagpanggap na buyer na nakabili ng nasabing produkto sa isinagawang buy-bust operation.

Sinabi ni Bangad na nagbibigay ng leaflets ang mga suspek na nag-iimbita sa mga magsasaka para sa isang meeting at nagpapa-raffle pa ng mga tricycle para makabenta.

Bukod dito, sinabi niya na gumamit din ng pekeng logo ng FPA ang mga suspek sa kanilang mga produkto.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng CIDG ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 1144 o Fertilizer and Pesticide Authority Law.