Hinuli ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tatlong katao na nagpakilala na information technology specialists at konektado umano sa Commission on Elections.
Ayon sa CIDG, pinangakuan ng mga suspek ang dalawang kandidato na mananalo sila bilang mayor at vice mayor sa bayan ng Enrile, Cagayan, kapalit ng P90 million.
Sinabi ng pulisya, nag-ugat ang operasyon mula sa reklamo mula kina Enrile mayoral candidate Robert Turingan at vice mayoral candidate Karen Turingan.
Ayon sa CIDG, tinanggihan umano ng dalawa ang alok mula sa mga suspek.
Gayunman, hindi na inilahad ng CIDG kung kailan nangyari ang umano’y extortion.
Una rito, sumang-ayon ang dalawang Turingan na makipagkita sa mga suspek sa isang mall sa Marikina City, kung saan hinuli ng mga operatiba ng CIDG ang mga suspek kahapon ng hapon.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang boodle money, indentification cards, mobile phones, sasakyan, at isang brown envelope na naglalaman ng tunay na P1,000 bill.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad sa ParaƱaque City, kung saan ire-remit sana ng isa sa mga suspek ang pera mula sa mga nagreklamo.
Subalit, sinabi ng CIDG na agad na may nakapagsabi tungkol sa transaksion sa iba pang suspek, at apat pa ang tinutugis.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong kriminal sa Marikina City Prosecutor’s Office para sa robbery with intimidation o violence/robbery extortion may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act at Omnibus Election Code.