Hinuli ang tatlong indibidual sa Santa Cruz, Laguna dahil sa pagpapanggap umano na mga kawani ng Commission on Elections (Comelec).
Batay sa initial investigation, nagpakilala umano ang tatlo na mga kawani ng Comelec main office at nagsagawa ng inspeksion sa automated counting machines (ACMs) sa Silangan Elementary School.
Isa mga suspek ang nagpakita pa umano ng kanyang identification card mula sa Comelec Task Force Kontra Bigay.
Idinulog naman ng mga pulis sa lugar ang insidente kay Acting Election Officer Patrick Arbilo, na nagsagawa ng beripikasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
Dito nalaman ni Arbilo na ang mga suspek ay hindi nagtatrabaho sa Comelec at hindi sila lehitimong empleyado ng ahensiya.
Kaugnay nito, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na sasampahan ng kaukulang kaso ang mga nasabing indibidual.
Ayon kay Garcia, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo ng mga suspek subalit posibleng sila ay kasama sa mga tao na nangangako ng tiyak na panalo sa mga kandidato kapalit ng malaking halaga ng pera.