Tatlong katao, kabilang ang isang 10-buwang gulang na sanggol na babae, ang nasawi noong Linggo matapos mabuwal ang isang puno dahil sa malakas na hangin sa hilagang bahagi ng Germany habang nagaganap ang Easter egg hunt, ayon sa pulisya.

Tinatayang 50 katao mula sa isang residential facility para sa mga bagong ina, buntis, at mga bata ang dumalo sa aktibidad sa kagubatan malapit sa bayan ng Satrupholm bandang alas-11 ng umaga nang biglang bumagsak ang isang 30-metrong puno sa grupo.

Apat na katao ang naipit sa ilalim ng puno.

Isang 21-anyos na babae at isang 16-anyos na dalagita ang agad na ginamot ng mga rumespondeng rescuer ngunit binawian din ng buhay sa lugar.

Samantala, ang 10-buwang gulang na anak ng babae ay namatay kalaunan sa ospital.

-- ADVERTISEMENT --

Isang 18-anyos na babae naman ang malubhang nasugatan at dinala sa ospital sakay ng helicopter.

Ang pasilidad ay bahagi ng state-funded child welfare system na tumutulong sa mga buntis at bagong ina na nangangailangan ng suporta.

Nagpadala rin ng mga grief counselor sa pinangyarihan ng insidente.

Sa mga larawang inilabas ng Bild, makikitang nagkalat sa lupa ang mga Easter egg habang ang dalawa sa mga biktima ay natatakpan ng puting tela.

Ayon naman sa German weather service, nasa ilalim ng babala ang lugar dahil sa malalakas na hangin nang mangyari ang trahedya.