Patay ang tatlong indibidwal samantalang walo ang sugatan matapos na araruhin ng isang Honda CRV ang apat na motorsiklo, dalawang tricycle, at dalawang kotse sa national highway sa Brgy. San Nicolas, Candon City, Ilocos Sur kahapon.

Kinilala ang driver ng Honda CRV na si Louie Garnace, 57-anyos, walang asawa, city employee, residente ng Brgy. San Isidro ng nasabing lungsod, at may sakay siyang isang lalaki.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang mga nabanggit na sasakyan maliban sa Mitsubishi Strada na nakaparada sa harap ng Candon City Hospital ay papunta lahat sa timog na direksyon.

Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, binangga ng Honda CRV ang dalawang motorsiklo.

Dahil sa lakas ng impact, tumama ang isang motorsiklo sa tricycle.

-- ADVERTISEMENT --

Dumiretso naman ng takbo ng Honda CRV hanggang sa mabangga nito ang isa pang motorsiklo, tricycle, at dalawang kotse.

Namatay sa insidente ang sakay ng Honda CRV at dalawa na sakay sa dalawang motorsiklo, habang lima ang nasa kritikal na kundisyon.

Isa sa mga nasugatan sa naturang insidente ang isang 63-anyos na nasa pedestrian.

Lumalabas sa imbestigasyon na nasa impluwensya ng alak ang driver ng Honda CRV nang mangyari ang insidente.