Patay ang tatlong katao habang sugatan ang isa pa matapos ang banggaan ng sinasakyang kolong-kolong at ng kasalubong trailer truck sa bayan ng Claveria, Cagayan.
Kinilala ang mga biktimang nasawi na sina Fernando Carniyan, 46 anyos, driver ng kolong-kolong kasama ang kanyang anak na si Angela Carniyan, 6 anyos at ang pamangkin nitong si Angel Juan, 5 anyos habang sugatan naman ang live in partner ni Carniyan na si Roselyn Juan, 41 anyos pawang mga residente ng Brgy. Pata.
Ayon kay PMAJ Chrismar Angelo Casilana, hepe ng PNP Claveria, pauwi na galing sa isang salu-salo ang magkakaanak sakay ang kanilang kolong kolong at ng nasa pababang bahagi na sila ng lansangan sa Brgy. D Leaño ay nakasalubong naman nila sa kabilang linya ang trailer truck na minamaneho ng suspek na si Julius Amanonce, 22 anyos, at residente ng Barangay Zitanga, Ballesteros, Cagayan na akto namang mag-oovertake sana.
Ayon kay Casilana, sinubukan pang umiwas ng kolong kolong ngunit dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi na nakontrol ni Carniyan ang ang manibela hanggang sa mabangga na sila ng kasalubong na trailer truck.
Dahil sa lakas ng impak ay tumilapon ang apat na biktima at nagresulta sa agarang pagkasawi ni Fernando at ang pamangkin nito na si Angela habang sinubukan pang isugod sa pagamutan ang anak na si Angel ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong duktor.
Nabatid na bago ang insidente ay patungo sana sa La Union ang suspek upang kumuha ng mga semento.
Boluntaryo naman umanong sumuko sa mga otoridad si Amanonce at ngayon ay nahaharap sa patung patong na kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide, Physical Injury and Damage to Property.