Patay ang tatlong lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga armadong suspek sa Purok 7, Barangay San Julian, Tabuk City, Kalinga kaninang umaga, April 24.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Santos Calsiyao, Tokar Calsiyao, at Leo Palat Calsiyao, pawang residente ng Basao Dilag, Tabuk City.

Rumesponde ang mga pulis kaninang 7 a.m. sa insidente at tumambad sa kanila ang mga bangkay ng mga biktima na nasa kalsada.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang M-16 Armalite at isang shotgun.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng PNP Tabuk, nagkaroon umano ng engkwentro sa pagitan ng mga biktima at ng hindi pa nakikilalang grupo malapit sa bahay ng isang barangay kagawad na miyembro umano ng Biga tribe.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi naman ni Kalinga Acting PNP Provincial Director PCol James Mangil, kasalukuyan ang hot pursuit operations sa mga suspek at inaalam pa ang tunay na dahilan o motibo ng nasabing insidente.