Patuloy na inaalam ng Incident Management Team ang pagkakaroon ng methane gas sa hinuhukay na butas na ikinalason at ikinasawi ng apat na katao na kinabibilangan ng isang Brgy. Kagawad na unang sumaklolo sa paghingi ng tulong ng tatlong senior citizen na mangagagwa para sa gagawing portable water sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jeremias Padilla, 64 anyos, 62 anyos, Sandino Mendoza, 63 anyos at kapwa residente sa bayan ng Bambang, Dionisio Alusen, 62 anyos mula Kasibu at ang kagawad ng Brgy. Magsaysay Hill na si Marlon Mateo Orden, 38 anyos.

Ayon kay PCAPT Julius Ceazar Florentino Abon, deputy chief of police ng PNP Bagabag, naka-cordon na at binabantayan ng pulisya ang lugar habang inilikas na rin ang ilang pamilya malapit sa butas na may lalim na 10 meters upang maiwasang malanghap methane gas.

Sa tulong ng rescue team ng Didipio Mines ng Oceana Gold ay natukoy na methane gas ang nalanghap ng mga biktima.

Una rito, dakong alas 10:00 ng umaga ay agad sumaklolo at pinasok ni Kagawad Orden ang maliit na butas na kasya lamang para sa isang tao nang marinig ang paghingi ng tulong ng tatlong senior citizen na biktima na nasa loob nito ngunit maging siya ay hindi na nakalabas.

-- ADVERTISEMENT --

Sumunod namang bumaba si Marlon Siopon, 32-anyos kung saan tinalian niya ang sarili ng lubid subalit nalanghap nito ang lason na dahilan ng kanyang pagkahilo kaya agad niyang hinila ang tali bilang hudyat para hilahin siya paakyat ng mga residente na nasa itaas at bumalik ang kanyang malay ilang minuto matapos maiahon.

Dakong alas 3:00 na ng hapon nang simulang pasukin ng retrieval team ang hukay sa tulong ng ventilator upang matanggal ang gas sa loob kung saan sunud-sunod na nailabas na wala ng buhay ang mga biktima nang hanggang alas 7:00 ng gabi.

Kabilang sa iniimbestigahan ng mga otoridad ang tunay na dahilan ng paghuhukay ng mga ito ng butas na sinasabing dahil sa kakulangan ng mapagkukunang tubig sa lugar na pagmamay-ari ni Ginang Arlene Lisio.