Sugatan ang tatlong kalalakihan nang bumangga sa poste ang sinasakyang van sa Barangay Baybayog, Alcala, Cagayan kaninang umaga, Pebrero 10, 2025.
Ayon kay Herome Ibarra, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Alcala, galing sa Santiago City sa probinsiya ng Isabela ang tatlong hindi na kinilalang mga biktima na papuntang Badoc, Ilocos Norte nang mangyari ang insidente.
Sinabi ni Ibarra, posibleng nakaidlip ang driver dahil wala naman itong iniwasan o anumang kasalubong na sasakyan nang maibangga nito ang van sa poste.
Dahil dito, nasira ang harapang bahagi ng sasakyan na dahilan ng pagtamo ng sugat sa katawan ng mga biktima.
Agad na sumakloklo mga rescuer ng MDRRMO, kung saan bahagya silang nahirapan sa pagkuha sa driver na naipit sa harapang bahagi ng sasakayan.
Dinala ang mga biktima sa pagamutan sa nasabing bayan pero kalaunan ay inilipat dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Sinabi ni Ibarra na pawang residente ng Badoc ang mga biktima na may sakay na mga gulay.