Nagpapagaling na sa ospital ang tatlong kataong lulan ng isang Pick up na nahulog sa bangin na may 10 metrong lalim sa bahagi ng Ileb, Tabuk City, Kalinga.
Sa panayam kay PLTCOL Dinulong Tombali, hepe ng Tabuk City PNP, galing sa isang resort sa Tabuk City ang tatlong lulan ng pick up at habang pauwi na sila sa San Francisco, Rizal ay bigla umanong may nahulog na bato at tumama ito sa sasakyan ng mga biktima.
Dahil dito ay sinubukan aniyang iwasan ng driver ang hindi naman kalakihang bato ngunit hindi na nito nakontrol ang manibela at mabilis na nahulog sa bangin.
Ayon kay Tombali, bukod sa landslide prone ang nasabing lugar ay nakaapekto rin sa pagkakahulog ng bato ang naganap na lindol kamakailan at maging ang palagiang pag-ulan.
Sa ngayon aniya ay naiangat na ng mga otoridad ang pick-up na sinakyan ng tatlong biktima matapos respondehan ito ng mga otoridad sa tulong ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council ng Kalinga.