Inihayag ng Iran na binitay nila ang tatlong lalaki na inakusahan na nang-eespiya para sa Israel, isang araw matapos ang tigil-putukan ng dalawang bansa.

Ayon sa hudikatura ng Iran, sina Idris Ali, Azad Shojai at Rasoul Ahmad Rasoul, na nagtangkang magpuslit ng equipment sa bansa para magsagawa ng assassinations, ay inaresto at nilitis dahil sa pagtulong umano sa Zionist regime.

Binitay ang tatlo kaninang umaga.

Isinagawa ang pagbitin sa tatlo sa Urmia, isang lungsod na malapit sa border sa Turkey.

Regular na inaanunsiyo ng Iran ang pag-aresto at pagbitay ng agents na pinaghihinalaan na nakikipagtulungan sa intelligence services, kabilang ang kalaban na Israel.

-- ADVERTISEMENT --

Pagkatapos ng pagsiklab ng Iran-Israel war noong June 13, nangako ang Tehran ng mabilis na paglilitis sa mga inarestong mga tao na pinaghihinalaan na nakikipagtulungan sa kanilang kalaban na bansa.

Sa panahon ng conflict, inaresto rin ng Iran ang nasa 700 na katao na inaakusahan na may kaugnayan sa Israel.

Ang Iran ang pangalawang bansa sa mundo na madalas na magsagawa ng pagbitay, nangunguna ang China, ayon sa human rights groups, kabilang ang Amnesty International.