Niyanig ng tatlong magkakasunod na malalakas na lindol ang isla ng Dalupiri sa islang munisipalidad ng Calayan, Cagayan kaninang madaling araw.

Sinabi ni Joe Arirao ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na nabigla sila dahil sa magkakasunod na pagyanig, kung saan unang naramdaman ang lindol na magnitude 5.3 ng 12:04 a.m.

Sumunod naman ang magnitude 5.5 makalipas ang ilang segundo at ang pangatlong pagyanig ay magnitude 5.8 sa oras na 1:18 a.m.

Sinabi ni Arirao na nagising ang mga residente sa isla at lumabas mula sa kanilang mga tahanan

Kaugnay nito, sinabi ni Arirao na wala pa silang natatanggap na damage report mula sa Dalupiri Island, dahil sa mahirap ang komunikasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na magtutungo sila sa nasabing isla ngayong araw na ito para magsagawa ng assessment kung may naitalang pinsala ang nasabing magkakasunod na pagyanig.

Samantala, sinabi ng PHIVOLCS, naramdaman din ang pagyanig sa ilang lugar sa Ilocos Norte at sa mga bayan ng Aparri, Gonzaga, at Peñablanca, Cagayan.