
Nailigtas ang tatlong mangingisda mula sa isla ng Calayan, Cagayan na naiulat na missing buhat noong araw ng Lunes matapos na masira ang kanilang bangka, na napadpad sila sa karagatan ng bayan ng Burgos sa Ilocos Norte.
Kinilala ang mga ito na sina Anthony Duerme, 25; Francis Duerme, 22, magkapatid; at Jay Duerme, 41, tiyuhin ng dalawa.
Sakay ang tatlo sa M/B Dhin Dhin nang matagpuan sila kahapon, na dehydrated.
Ayon sa Calayan municipal information office, patungo ang mga nasabing mangingisda sa Balatubat sa Camiguin Island, Calayan, subalit hindi sila nakarating sa kanilang destinasyon.
Umalis ang mga ito noong Lunes sa Calayan na maayos naman umano ang panahon.
Tumulong ang mga pulis at mga bombero sa Philippine Coast Guard at volunteers sa Burgos, Ilocos Norte, at Calayan sa pagligtas sa mga nasabing mangingisda.










