
Ipinag-utos ng Pambansang Pulisya ng Pilipinsa sa Region at Cagayan ang masusing imbestigasyon sa pagpatay sa tatlong Maranaw-Muslim sa bayan ng Lal-lo, Cagayan kahapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Salic Amerol, Mutalib “George” Amerol, at Janisah Macud-Amerol, na pawang mga residente ng Muslim community sa Tuguegarao City.
Ayon sa paunang salaysay ng pamilya, nagtungo umano ang mga biktima sa Lal-lo upang makipagkita sa isang kausap para sa transaksyon ng ginto na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1.2 milyon.
Subalit sa halip na maayos na transaksyon, dinala umano sila sa isang liblib na lugar sa nasabing bayan, kung saan naganap ang karumal-dumal na pamamaslang.
Natagpuan ang mga bangkay bandang alas-una ng hapon, habang iniulat din na natangay ang malaking halaga ng pera na dala ng mga biktima.
Nakaburol ngayon ang kanilang mga labi sa Masjid sa Muslim Compound sa Tuguegarao City, habang patuloy ang pagdadalamhati ng kanilang pamilya at komunidad.
Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.
Nanawagan ang pamilya at mga kaanak ng mga biktima ng agarang hustisya.








