Tiniyak ng Commision on Election na hindi konektado sa poll body ang tatlong nahuling suspek na nag-aalok ng panalo sa halalan kapalit ng malaking halaga ng pera.

Ayon kay Atty. Jerby Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2, gawain lamang ito ng mga grupo na sinasamantala ang panahon ng halalan para magkapera.

Nangyari na rin umano ito noong nakaraang eleksyon kung saan pinangakuan ang isang kandidato sa Partylist group ng malaking bilang ng boto sa rehiyon dos kapalit ng malaking halaga ng pera.

Iginiit naman ng COMELEC na budol lamang ang gawaing ito dahil hindi maaaring manipulahin ang resulta ng eleksyon.

Matatandaan na nahuli kamakailan ang 3 katao na nagpakilalang IT experts na mula umano sa tanggapan ng COMELEC at inalok ng siguradong-panalo sa halalan, kapalit ng P90M ang isang mayoral at vice-mayoral candidate sa bayan ng Enrile, Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --