Magbubukas na ang Communicable Disease Building sa Cagayan Valley Medical Center na kauna-unahan sa Region 2 para sa mga pasyenteng may nakakahawang sakit.
Ayon kay CVMC Medical Chief Dr. Glenn Mathew Baggao, pasisinayaan na ang naturang tatlong palapag na gusali na may 25-bed capacity, bukas ng hapon ika-27 ng Pebrero na pangungunahan ni Health Sec. Ted Herbosa, kasama si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire pagkatapos ng isasagawang Lab For All caravan sa Cagayan Coliseum na pangungunahan ni First Lady Liza Marcos na layong makapagbigay ng libreng serbisyong medical sa mamamayan.
Sinabi ni Baggao, ang gusali na nagkakahalaga ng P118M ay mayroong negative pressure isolation rooms na tinawag din niyang “hospital within the hospital” dahil may sarili itong operating room, delivery room, pharmacy at ibat-ibang diagnostic procedure gaya ng x-ray.
Handa na rin ang mga itinalagang infection control commitee sa naturang specialty center na sinanay sa San Lazaro Hospital upang makapagbigay ng karagdagang serbisyong medikal hindi lamang sa Cagayan Valley kundi maging sa mga karatig-probinsiya.
Samantala, patuloy ang pagpapatayo ng ibat-ibang imprastruktura sa CVMC na kinabibilangan ng 4-story Trauma Center na may helipad sa rooftop, 4-story Laboratory Building, Morgue at marami pang iba na kasama sa Developmental plan mula nang itinaas sa 1,000 ang bed capacity ng naturang referral hospital sa rehiyon.