TUGUEGARAO CITY- Umaasa ang mga tricycle driver sa Tuguegarao City na mapagbibigyan ang kanilang kahilingan na tatlong piso na dagdag sa pasahe para sa mga regular na pasahero habang dalawang piso naman sa mga dapat na makatamasa ng fare discount.

Sinabi ni Severino Guzman, presidente ng Federation of Tricycle Operators and Drivers Association o FETODA na inihain na nila sa sangguniang panlungsod ang kanilang petisyon at itinakda na rin ang public hearing ukol dito sa March 20, araw ng Linggo.

Ayon kay Guzman, nararapat lamang na magkaroon na ng taas- pasahe dahil sa masyado nang mataas ang presyo ng langis bukod sa matumal ang pasada o walang gaanong mga pasahero.

-- ADVERTISEMENT --

Ang kasalukuyang regular na pasahe ay P12 at kung aaprubahan ang kanilang petisyon ay magiging P15 habang sa discounted naman ay magiging P12 mula sa P10.

Una rito, inaprubahan ng sangguniang panlungsod ang isang piso na provisionary fare increase sa mga namamasadang tricycle bilang tulong na rin sa mga tricycle drivers habang hindi pa naipapasa at naaprubahan ang kanilang petisyon para sa dagdag pasahe.

May ibibigay din na P700 na financial assistance ang pamahalaang panlungsod sa mga tricycle franchise owner at mga drivers.